18 Senyales na hindi ka na mahal ng iyong partner

Sa isang relasyon, maraming mga bagay ang dapat kailangan. Hindi lang sapat na may pagmamahal, kailangan din na mayroong pagtitiwala at pagkakaunawaan. Kailangan ding magpakita ng “affection” o pagtatangi sa iyong karelasyon upang masabi niya na talagang mahal mo siya. Halimbawa na lamang ng pagde-date ng mga magkasintahan, pagsasabi ng “I love you”, maging mga simpleng pangangamusta at pagsasabi ng “magandang umaga”. Ang mga bagay na ito ay nagpapakita na ikaw ay may pagpapahalaga sa iyong minamahal, at karaniwang hinahanap sa isang relasyon. Minsan kasi kapag wala ang mga ito ay tila nawawalan na ng interes ang isang tao sa kaniyang kasintahan.

Kung dati ay palagi niyang ipinapakita ang kaniyang pagmamahal sa iyo, kung dati ay palagi ka niyang kinakamusta, kung dati ay palagi siyang gumagawa ng mga bagay upang ikaw ay mapasaya, baka ngayon ay hindi na. Malungkot man pero baka nawawalan na siya ng interes sa iyo. Ang mas nakakalungkot pa ay may mga tao na sa ganitong sitwasyon ay nagbubulagbulagan pa rin dahil mahal nila yung tao. Na kahit alam na nila hindi na sila mahal ng kanilang kasintahan ay ayos lang basta hindi sila hinihiwalayan. Wala silang pakialam kung sila man ay masaktan baka hindi lang mawala sa kanila ang kanilang minamahal.

Mayroon din naman na walang kaide-ideya na nagbabago na pala ang kanilang boyfriend o girlfriend. Kaya naman, para makaiwas ang puso sa sobrang kabiguan, o bago pa ito tuluyang masaktan, naririto ang mga bagay na dapat niyong tandaan upang malaman kung nawawalan na ba ng interes o pagtatangi sa inyo ang inyong nobyo o nobya.

  1. Ayaw ng commitment. May mga tao talagang takot sa commitment dahil siguro sila ay nasaktan na dati, pero may mga tao rin namang ayaw dito dahil hindi sila sigurado sa isang tao. Ayaw niyang makipagrelasyon dahil hindi tunay ang nararamdaman niya para sa taong ito, o baka naman dahil alam niyang mas madaling mang-iwan kung walang pinanghahawakan.
  2. Kapag siya ay nangaliwa at nagsimulang lokohin ka. Upang maging matatag ang isang relasyon ay kailangan ng katapatan sa isa’t isa. Kung ang inyong kasintahan ay hindi tapat sa inyo at kayo ay niloloko na, ibig sabihin lamang nito na wala na siyang pakialam sa patutunguhan ng inyong relasyon. Wala na siyang interes sa iyo kaya naghahanap na siya ng iba.
  3. Palagi kang pinaiiyak. Natural lang na magkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan sa isang relasyon, natural lang mag-away na minsan ay humahantong sa iyakan. Subalit, dapat mong tandaan na ang isang taong tunay na may pakialam sa iyo ay hindi hahayaang umiyak ka ng umiyak, kahit ano pang hindi niyo napagkasunduan ay wala siyang pakialam basta mapatahan ka lang. Sa kabilang banda, dapat ay iwan mo ang taong hindi ka na nga pinapatahan, mas lalo ka pang pinaiiyak.
  4. Kung wala siyang pakialam sa iyo. Bukod sa pagpapaiyak sa iyo madalas, isipin mo rin kung may mga ginagawa ba siya upang mapakita na mahalaga ka sa kaniya. Pinoprotektahan ka ba niya sa mga kinatatakutan mo o baka naman hinahayaan kang harapin ang mga suliranin mo ng mag-isa? Isipin mo rin kung tinatanong ba niya kung ayos ka lang, at kung hindi ka okay ay nagtatanong ba siya kung paano mapapagaan ang loob mo.
  5. Humihingi ng pasensya pero hindi nagbabago. Sabi nga nila sa ingles, ‘changed behavior is the best apology”. Ibig sabihin, imbis na simpleng paghingi ng tawad sa nagawang kasalanan, mas mabuting hindi na lamang ulitin ang maling nagawa. Subalit kung ang iyong kasintahan ay sorry na lamang ng sorry sa kasalanang paulit ulit niyang ginagawa, mag-isip ka na kung talaga bang may pagpapahalaga sa iyo ang taong ito.
  6. Walang respeto. Mahalaga na may respeto sa gitna ng isang relasyon dahil kung wala ay hindi ito hahantong sa mabuti. Tandaan na hindi mo maaasahan ang isang taong walang respeto sa iyo na mahalin at pahalagahan ka ng tunay. Kung ang simpleng makataong pagrespeto nga ay hindi niya magawa, paano pa kaya ang isang espesyal na pagtatangi tulad ng pag-ibig?
  7. Walang panahon sa iyo. Siguradong walang interes sa iyo ang isang tao kung palagi na lang siyang panahon para sa iyo. Totoo na talagang hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa iyo ang atensyon at oras ng iyong karelasyon, subalit kung palagi na lamang itong nangyayari ay iba na ang ibig sabihin nito. Ang taong may tunay na interes sa iyo ay gagawa ng paraan upang magkaroon siya ng oras sa iyo, hindi umaasa lang sa sosobrang oras mula sa mga gawain niya.
  8. Palaging sa iyo ang sisi. Napapansin niyo ba na sa tuwing mag-aaway na lamang kayo ay ikaw ang sinisisi niya? Kung ikaw na lang parati ang mali para sa kaniya at hindi niya tinitignan ang kaniyang mga kasalanan at pagkukulang, baka nais na niyang iparating na wala na siyang interes sa iyo.
  9. Mayabang. Yun nga lang na maging mapagmataas ka sa iyong kapwa ay masama na, paano pa kaya ikaw mismo ang niyayabangan ng iyong karelasyon. Madalas ang mga taong ganito rin ay ipaparamdam sa iyo na maliit ka lang at wala kang kakayahan kaya dapat silang hiwalayan dahil hindi ito makabubuti sa iyo.
  10. Itinuturing kang “outsider”. Yung tipong magkasama kayo pero pakiramdam mo mag-isa ka lang dahil wala naman siyang pakialam sa iyo. Mag-isip ka na kung gusto mo pa bang ipagpatuloy ang relasyon ninyo.
  11. Siya na lang lagi ang bida. Habang binabalewala ka niya, gusto naman niya na siya lagi ang bida. Gusto niya na sa kanya lagi naka-sentro ang lahat na para bang sa kaniya lang muiikot ang mundo. Walang interes sa iyo ang taong ganito.
  12. Nagsasarili. Sa isang relasyon ay hindi naman kailangan lahat ng kilos niya ay alam mo.Pero kung lahat na lang ay itinatago niya sa iyo, o yung tipong magugulat ka na lang at pumunta pala siya sa ganitong lugar o mga kauri nito, kung palagi siyang nagsasarili ay siguradong wala siyang pakialam sa iyo.
  13. Binabalewala ang mga sinasabi mo. Ang komunikasyon ay napakahalaga upang maging matibay ang isang relasyon. Kaya naman, dapat hindi ka mamalagi sa isang relasyon na salita lang ng isa ang palaging tama at pinapakingga, habang ang mga salita mo ay wala siyang pakialam. 
  14. Pakiramdam mo wala kang halaga. Pinakamasakit na siguro ang maramdaman ng isang tao na wala siyang alaga, lalo na sa buhay ng minamahal niya. Pero kung ipinaparamdam na niya ito sa iyo, dapat ay ikaw na mismo ang tumapos ng inyong relasyon para na rin sa kapakanan ng iyong sarili.
  15. Hindi ka sinusuportahan. Isa pang senyales na wala nang interes sa iyo ang isang tao kung hindi ka niya sinusuportahan sa mga bagay na gusto mo. Alalahanin mo lamang na ang taong may tunay na malasakit sa iyo ay tutulungan kang makamit ang mga bagay na makapagpapasaya sa iyo. Kung hindi niya maibigay ang kaunting suporta man lang, alam mo na ang ibig sabihin nito.
  16. Binabago ka niya. Kung talagang mahal ka ng isang tao ay tatanggapin ka niya kung ano ka man at hindi ka niya susubukang baguhin. Kaya naman dapat ay hindi na makisama sa mga taong walang ibang ginawa kundi ang sabihin na ibahin mo ang iyong sarili para lang bumagay ka sa kaniya.
  17. Pabago bago ang isipan. Kapag umabot na sa punto na ikaw ay nagsawa na sa mga pagbabalewala niya sayo at gusto mo nang makipag-hiwalay, bigla na lamang siyang “magbabago” at ipapakita na ikaw ay pinahahalagahan niya. Nasa sa iyo kung makikipagbalikan ka pa sa kaniya pero ang taong ito ay pinapaamo ka lang, pag nakipag-ayos ka sa kaniya ay babalik na naman siya sa dati niyang gawi.
  18. Kung “worldly desires” lang ang gusto niya sa iyo. Bakit ayaw ka niyang hiwalayan kahit wala siyang pakialam sa iyo? Baka nabibigay mo kasi sa kaniya ang mga pagnanasa niya. Kung ganito lang din naman ang inyong relasyon ay mabuting lumayo ka na sa kaniya.

Sa isang relasyon, dalawa dapat kayong gumagawa ng paraan upang maging matibay ang inyong pagsasam. Kung mag-isa ka lang ay siguradong masasaktan at mapapagod ka rin kaya naman habang maaga ay dapat mo na siyang bitawan, lalo na kung wala naman siyang interes sa iyo. Bagama’t ang pagmamahal sa isang tao ay mahalaga, mahalaga rin naman ang pagmamahal sa iyong sarili. Iysn sng inyong tandaan.

You may also like...