5 Maagang sintomas ng colon cancer na kailangan natin malaman lahat

Ang cancer ay isa sa mga pinakakinatatakutang sakit sa buong mundo. Sino ba naman ang hindi matatakot dito kung pinapatay nito ang mga cells na siyang pangunahing komposisyon ng ating katawan. Kapag may cancer ang isang tao ay parang unti unti siyang kinakain ng buhay nito hanggang sa siya ay mamatay. Ang mas nakakatakot pa, bukod sa pagsira nito sa kalusugan ng tao ay wala pang eksaktong gamot para dito. Bagamat may mga modernong paraan na ng panggagamot ay hindi pa rin 100% ang kasiguraduhan na gagaling ang taong may ganitong sakit. Isa pa, ang mga treatment na ito tulad ng chemotheraphy ay sobrang mahal kaya naman marami ang nawawalan ng pag-asa na sila’y gagaling pa.

Maraming iba’t ibang uri ang cancer depende sa kung anong bahagi ng katawan ang pangunahing naaapektuhan nito. Mayroong eye cancer, breast cancer, leukemia o cancer sa dugo, lung cancer, at marami pang iba. Isa pa ay ang tinatawag na colon cancer na tinaguriang “silent killer” dahil mahirap itong I-detect. Maaaring may ganitong sakit na ang isang tao pero hindi pa rin niya mamamalayan dahil walang makikitang anumang mga kakaibang sintomas o senyales nito. Kung mayroon man ay yung mga karaniwang nararanasan lamang ng tao kapag siya ay may normal na sakit kaya hindi mo ito pagdududahan na senyales na pala ng cancer. Malalaman lamang na ang isang tao pala ay may colon cancer kapag ito ay malala na at halos imposible nang gamutin pa.

Nakakatakot na ang cancer, mas nakakatakot pa itong uri na ito. Isang sakit na unti unti kang pinapatay ng hindi mo namamalayan. Bihira lang ang mga sintomas pero hindi naman ibig sabihin nito na wala na talagang mararamdamang iba ang taong may colon cancer. Mayroon pa rin namang mga sintomas pero gaya nga ng nasabi na ay hindi mo sila mapagkakamalan bilang umpisa ng malubhang sakit. Kung ano ano ang mga ito ay aming ipapaalam sa inyo gamit ang artikulong ito. Ituloy niyo lamang ang pagbasa at narito ang senyales ng colon cancer na dapat niyong malaman.

  1. Labis na pagkapagod. Sa araw araw ay normal na mapagod ang isang tao lalo na kung marami siyang ginagawa parati. Kaya naman, hindi talaga aasahan na ang fatigue o sobrang pagkapagod na nararamdaman ay senyales na pala ng colon cancer. Dahil dito ay maraming mga tao ang ipinapahinga na lamang ito at hindi na ipinapatingin pa sa doktor sa pag-aakalang normal lang naman ito. Subalit sinasabi namin sa inyo, kaibigan, na huwag kang pakasiguro. Tandaan na ang mga cancer cells ay pumapatay sa mga normal na cells na nagtataglay ng enerhiyang sumusuporta sa katawan ng tao. Kung nagsisimula nang kumalat ang mga cancer cells ay mas makakaramdam ka ng pagod dahil dito. Kaya naman, kung madalas na nangyayari sa inyo ang sobrang pagkapagod ay mabuting magpatingin na kayo sa doktor.
  2. Biglaang pagbaba ng timbang. Isa sa pinakamakikitang senyales sa bawat uri ng cancer tulad ng sa colon ay ang biglaang pagbaba ng timbang ng isang tao o sobrang pagpayat. Yung tipong hindi naman siya nag-diet pero biglang sobra ang naging kaniyang pagpayat. Paano natin masasabi na ang kaniyang pagpayat ay senyales na pala ng cancer? Simple lang. Kung siya ay nabawasan ng limang porsyento 5% ng kaniyang timbang sa loob ng anim na buwan ng walang sinusunod na diet routine. Dapat dito ay maging observant at pansinin kaagad kung ito ay nangyayari sa iyo o sa mga kakilala mo. Kung oo ay wag ng magaksaya ng panahon at humingi na ng tulong sa mga ekspertong medikal.
  3. Iregular na bowel movement. Ang bawat tao ay may kumbaga routine kung kailan sila dumudumi. Kung bigla bigla ay hindi na nasusunod ang routine na ito ay baka may colon cancer na ang isang tao. Dapat bantayan kung nagkaroon ba ng pagbabago kung tuwing kailan at gaano kadalas dumudumi ang isang tao. Maging ang pagbabago sa itsura ng dumi ay dapat ding bantayan dahil ba isa na itong senyales na ang colon polyps ng isang tao ay naging cancerous tumor na na siyang dahilan ng mga pagbabagong ito. Kung ganito nga ang nangyari ay unang maapektuhan ang large intestine ng isang tao, ang bahagi ng digestive system na pinagmumulan ng dumi.
  4. Dugo sa dumi. Gaya n nabanggit, dapat ding pagtuonan ng pansin kung may pagbabago ba sa itsura ng dumi ng tao. Tignan kung bigla ba itong lumiit o iba pang pagbabagong kaugnay nito. Lalo na kung ang dumi ay may kasama nang dugo, ang pagdurugo ng rectum ay isang indikasyon ng colon cancer.
  5. Stomach cramps. Ang stomach o abdominal cramps ay maaaring mangyari dahil sa napakaraming dahilan. Maaaring baka hindi lang natunawan, o baka dahil sa buwanang dalaw sa mga kababaihan. At dahil nga normal naman ito kung tutuusin ay hindi ito mapagkakamalanang sintomas na pala ng colon cancer. Oo, kabilang sa maraming dahilan ng pagkakaroon ng stomach cramps ang cancer. Gayunpaman, hindi namin sinasabi na cancer na agad ang iyong sakit kapag nagkaroon ka ng abdominal cramps. Kaya naman, walang masama kung ikaw ay maninigurado at magpakonsulta sa doktor upang alamin kung ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit sumasakitang iyong tiyan, lalo na kung ito ay nadadalas at sobrang sumasakit na.

Mahal magpagamot, at kahit magpagamot ay wala pa rin namang kasiguraduhan na gagaling ang isang taong may colon cancer. Kaya ang pinakamainam na gawin ay umiwas na lamang sa pagkakaroon nito sa umpisa pa lamang. Lalo na kung ang inyong pamilya ay may history ng colon cancer, dapatay ibayong pag-iingat ang inyong paganahin. Marami namang mga paraan upang mapanatili mong ligtas ang iyong sarili mula sa mga nakakatakot na sakit na ito. Halimbawal na lamang ang pagkain ng masusustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay. Bukod sa mga sustansyang maibibigay ng mga pagkaing ito upang palakasin ang iyong resistensya ay kaya rin nitong alagaan ang digestive system. Sa kabilang banda ay umiwas naman sa mga makakasama sa katawan tulad na lamang ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Ang mga ito ay magpapataas ng risk ng pagkakaroon ng colon cancer.

Dapat ay manatili sa pagkakaroon ng healthy lifestyle. Ang pagkain ng masustansya ay samahan ng regular na pag-eehersisyo at siguradong mas makakaiwas ka sa kahit na anong sakit. Lumayo sa mga alam mong makakasama sa iyo, sa ganitong paraan ay makakalayo ka rin sa disgrasya.

You may also like...