Ilang oras ba ang kailangan natin na tulog ayon sa ating edad, importante ng #6

Sa panahon ngayon, wala kang mararating sa buhay kung ikaw ay tatamad tamad at petiks petiks lang. Kailangan ay maging masipag kahit ano man ang ginagawa. Kahit sa pag-aaral, paghahanap buhay, o ibang mga gawain pa man ay kailangan palaging binibigay mo ang lahat ng iyong makakaya upang magawa ang mga ito. Kaya naman pagkatapos ng maghapon ay siguradong pagod ang katawan at gustong gusto na nating magpahinga. Maraming mga tao, lalo na kapag inaabot sila ng gabi sa paggawa, ay gusto nang umuwi, kumain, at pagkatapos ay matulog na. Yung iba nga ay diretso higaan na dahil sa sobrang pagod ng kanilang katawan.

Totoong napakahalaga ng pagtulog para sa atin. Ito kasi ang paraan ng ating katawan upang makabawi ng mga enerhiyang ating nagamit sa buong araw. Kumbaga sa cellphone, pagtulog ang paraan upang ma-recharge tayo para sa araw ng bukas ay may lakas tayong magagamit. Bukod sa pagkain ng masusustansyang pagkain ay kailangan din natin ng tulog upang maging malusog kaya naman, hindi ito dapat kinakaligtaan.

Ang pagtulog din ay isang paraan ng pagtatanggal ng stress at pagpapahinga hindi lang ng ating pisikal na kalagayan kundi pati na rin ng ating mental health. Kapag napapahinga tayo ay mas nagiging maganda ang ating pakiramdam at nagiging mabuti ang ating kalagayan upang harapin ang mga nagpapa-stress sa atin. Sa ganitong paraan din ay mahalaga sa ating mental health dahil kumbaga nare-refresh ang ating isip kung tayo ay nakakapagpahinga. Tunay nga’t maraming benepisyo ang pagtulog, hindi lang basta pahinga lang.

Ang mga kabutihang dulot ng pagtulog ay madalas na nating naririnig. Mula pa lamang noong tayo ay bata pa, palagi na tayong sinasabihan ng ating mga magulang o ng ibang nakatatanda na kailangan nating matulog upan gtayo ay lumaking malusog. Kahit bilang mga mag-aaral ay ipinauunawa pa rin sa atin na kailangan nating ipahinga ang ating isip sa pamamagitan ng pagtulog upang mas maging mabisa ito. At sa panig naman ng mga nagtatrabaho, mahalaga pa rin na makapagpahinga kahit tambak ang mga gawain sa opisina.

Sa kabila ng lahat ng magandang maidudulot ng pagtulog ay marami pa rin ang nagwawalang bahala rito. Sa sobrang kasipagan naman nila ay mas pinipili na nilang isakripisyo ang kanilang pagtulog para lang matapos ang kanilang mga dapat gawin. Ang masama pa, mayroon namang mga ipinagpapalit ag kanilang tulog para lang makapag-cellphone o computer sila hanggang disoras ng gabi. Ang hindi nila alam ay maraming masamang epekto ang maibubunga ng kulang sa tulog. Narito ang ilan at inyong alamin.

  1. Pagdagdag ng timbang. Napatunayan ng mga eksperto na halos 30 porsyento ng mga taong obese o sobra sobra sa timbang ay natutulog lamang ng hindi lalagpas sa pitong oras kada araw. Kung ikukumpara ito sa mga taong natutulog ng siyam na oras o higit pa na normal at maayos ang timbang, tunay itong nakakabahala.
  2. Pagkasira ng balat. Isipin niyo na lang, kung lagi kang puyat ay tiyak na magkakaroon ka eye bags o dark circles sa ilalim ng iyong mga mata. BUkod dito ay magiging dry pa ang iyong kutis kaya dapat na hindi kaligtaan ang pagtulog.
  3. Masama sa utak. Ang ating brain ay kailangan din ng pahinga upang gumana ng maayos, at pagtulong ang isang paraan nito. Kung kulang ka sa tulog ay maaapektuhan din ang kalusugan ng iyong utak na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit tulad ng memory loss at iba pang kauri nito.
  4. Nagdudulot ng depresyon. Isa pang pangyayaring may kinalaman sa isip na pwedeng mangyari sayo kung kulang ka sa tulog ay ang depresyon. Magkakaroon ng problema ang neurotransmitter functioning ng iyong brain na magiging sanhi ng paglala ng depresyon.
  5. Mahinang resistensya. Gaya ng nabanggit, amahalaga ang pagtulog lalo na sa mga bata upang tumatag at lumakas ang kanilang immune system at resistensya. Kaya naman, hindi na nakapagtataka kung kabaligtaran ang mangyayari sa taong kulang sa tulog. Hihina ang kaniyang resistensya at mas magiging lapitin siya ng mga sakit tulad ng ubo at sipon.
  6. Masama sa puso. Maaari ring malagay sa peligro ang kalusugan ng iyong puso kung ipagwawalang bahala mo ang pagtulog. Kailangan ng puso ang pagtulog upang magamot ang mga nagkakaproblemang mga bood vessels kaya kung kulang ka sa tulog ay baka malagay sa alanganin ang iyong cardiovascular health.

Paulit ulit na naming binigyang diin na napakahalaga ng tayo ay makatulog upang makapagpahinga. Subalit, hindi lamang ang mismong pagtulong ang dapat nating isipin kundi maging ang haba nito. Alam niyo ba na iba iba ang haba ng oras ng tulog na kailangan ng mga tao depende sa kanilang edad? Bagamat walo hanggang sampung oras ng tulog ang palaging sinasabi sa atin, may mga edad na dapat ay mas mahaba o mas maiksi pa dito ang dapat na itulog upang makinabang sa mga benepisyo nito. Medyo nakakalito ito lalo na kung unang beses mo pa lamang itong narinig, pero para tulungan kayo ay tatalakayin namin sa artikulong ito kung ilang oras nga ba ang kailangan mong tulog depende sa iyong edad.

Ang mga bagong silang na sanggol ay nangangailangan ng napakahabang oras ng pagtulog. Kung sila ay hanggang tatlong buwang gulang pa lamang ay kailangan nilang matulog ng mula labingapat hanggang labingpitong oras ng pagtulog. Kailangan nila ang halos buong araw na tulog na ito upang mapalakas ang kanilang pangangatawan at resistensya.

Ang mga infants naman o apat hanggang labing isang buwang gulang ay kailangan ng 12-15 na oras ng tulog. Mas maiksi na ito kung ikukumpara sa mga bagong silang dahil sa ganitong edad ay nagsisimula na silang kumain paunti unti. Sa kabilang banda naman, ang mga toddlers o mga batang edad isa hanggang dalawa ay dapat na matulog sa loob ng labing isa hanggang labingapat na oras.

Pagtungtong ng mga bata sa preschooler age ay mas maiksi na ang oras ng tulog na kailangan nila. Subalit, kahit sila ay edad tatlo hanggang limang taong gulang na at pumapasok na sa nursery o preschool ay kailangan pa rin nila ng sampu hanggang labingtatlong oras. Ang mga batang 6-13 taong gulang o yung mga tinatawag na school-aged children naman ay kailangan ng 9-11 na oras ng tulog upang mabigyan pa rin ng sapat na pahinga ang kanilang katawan kahit sila’y nag-aaral na.

Ang mga teenagers o edad 13-17 taong gulang ay nangangailangan ng tradisyunal na walo hanggang sampung oras ng pagtulog. Kung ikaw naman ay young adult na o edad labingwalo (18) hanggang dalawamputlima (25), o kaya naman ay adult o edad 26-64 taong gulang ay pito hanggang siyam ng oras na lamang ang iyong kailangan. Sina lolo at lola naman na may edad 65 pataas ay tanging pito hanggang walong oras ng tulog na lamang ang kailangan. Kung inyong mapapansin, habang tumatanda ay pabawas ng pabawas ang oras ng tulog na kailangan ng isang tao.

Mabuti kung ikaw ay masipag subalit huwag sanang kalimutan na ang pag-aalaga sa sarili ay lubhang mahalaga rin. Ang dapat na gawin ukol dito ay ang tamang pagbabalanse ng oras upang may oras ka sa paggawa at may oras ka rin sa pagpapahinga.

You may also like...